Sunday, October 27, 2019

TARA LAKBAY TAYO!

Lakad. Sakay. Tanaw dito, tanaw doon. Mag-uusyoso kung meron napapansin na kakaiba o simpleng dikta ng kuryosidad.
Ilan lang naman yan sa mga aksyon masisilip sa lakbayero.
Eto, tatalupan ni Lakbayerong Pogi ang ilan munang eksena na sumusulpot habang, ika  nga, 'you're about to explore and conquer'.
Lakbay probinsya muna tayo. Hayaan muna natin ang lakbay Maynila para sa umpisa relax tayo at hindi nabubuwisit sa sikip ng trapiko na ewan kung malulutas pa o hirap solusyunan o hayaan na lang.
Bitbit, sukbit, kipkip, o gamit ang backpack, o basta anumang gustong lagyan ng mga pwedeng dalhin, ay larga na si Pogi.
Walang direksyon. Basta bumiyahe lang para masdan ang dinaraanang countryside.
Aircon o ordinary bus?
Wala naman yan kay Lakbayerong Pogi. Importante naman ang deskripsyon ng saya at fulfillment ng paglalakbay.
Maraming distraksyon. Huwag pansinin dahil hindi natin sarili sng mundo at may kanya-kanyang gawi ang bawat isa. Ituon ang pansin sa rason ba't ginagawa ang lakwatsa.
May iba ring purpose ang kasabay  sa biyahe.
Natural na ang pag-akyat ng mga naglalako ng pagkain, ng makukukot na mani, pampaalis ng gutom na nilagang itlog, tubig at kung ano pa. Iba ang Pinoy. Nakakakita ng puwedeng pagkakitaan kahit mahirap, nakakapagod at nakakaubos ng enerhiya.
Ang nangyayari sa loob ay repleksyon ng totoong buhay.
Sa labas, naroon ang salamin ng kalikasan na magbibigay sa atin ng ginhawa at masarap na pakiramdam. Ang nalalagpasang malawak na palayan na nakakalina, ang bulubunduking lupa na luntian, ang mga bahay na nasa gilid ng lansangan at iba pang tanawin na aagaw sa paningin ng naglalakbay... Sarap namnamin at itatak sa isipan at diwa ng paghanga.
                     

No comments:

Post a Comment